-- Advertisements --

Inihayag ng Philippine Embassy sa Abu Dhabi nitong Lunes na nakikipag-ugnayan na sila sa pamilya ng isa sa mga Pilipinong naiulat na naaresto sa United Arab Emirates (UAE) dahil sa pag-post ng content kaugnay ng Middle East strikes.

Ayon kay Philippine Ambassador Alfonso Ver, kabilang ang mga Filipino sa mga foreign nationals na inaresto ng UAE authorities dahil sa umano’y pagpo-post ng mga nakasasamang digital content.

Pinayuhan ng Embahada ang mga Pilipino na mag-ingat sa paggamit ng social media at messaging apps at iwasang mag-post, mag-forward, o magkomento sa hindi beripikadong content, lalo na kung may kinalaman sa seguridad.

Sinabi naman ni David Sanchez, head ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Middle East, na tatlong Pilipino na ang kabilang sa mga inaresto. Ayon sa kanya, sinabi ng UAE government na ang mga ito ay nag-share ng maling impormasyon, disinformation, at AI-generated o deepfake videos.

Ipinunto rin ni Sanchez na mahigpit ang UAE sa pagkuha ng videos at pictures, lalo na tungkol sa mga strikes, at kailangan ng permit ang mga vlogger bago mag-video o mag-picture.

Ang tatlong Pilipino ay kasalukuyang nasa custody ng UAE at posibleng humarap sa isang (1) taong pagkakakulong at 100,000 AED na multa.

Nanawagan si Sanchez na mabigyan ang mga kababayan ng legal assistance at posibleng amnesty, at ipinahayag ang patuloy na pakikipagtulungan sa embahada para sa kanilang kaligtasan at paglaya.