-- Advertisements --

Humigit-kumulang 1,200 residente at turista ang inilikas matapos sumiklab ang malawakang wildfire sa ilang coastal city sa Croatia na ikinasawi ng isang tao.

Kabilang sa mga lumikas ang ilang Overseas Filipino Workers (OFWs) na nakatira at nagtatrabaho sa Omis.

Nabatid na Huwebes ng gabi nang magsimula ang sunog sa Lokva Rogoznica patungo sa kalapit na tourist town na Omis, na ilang kilometro lamang ang layo.

Tinatayang 1,000 ektarya ng lupain ang tinupok ng apoy sa loob lamang ng apat na oras, dahil sa malalakas na hanging mabilis na nagpakalat sa wildfire.

Ayon kay Croatian Prime Minister Andrej Plenkovic na nasa 10 katao ang nasa intensive care unit kabilang sa 40 kataong nasugatan dahil sa sunog.

Bagama’t humupa na ang apoy, nananatiling mainit ang kabundukan at marami pa ring lugar ang walang kuryente.

Patuloy na nakararanas ng matinding wildfire ang Croatia at iba pang bahagi ng Europa dahil sa epekto ng heatwave ngayong summer.

Patuloy naman kumukuha ng impormasyon ang Bombo Radyo sa Philippine Embassy sa Vienna para sa karagdagang impormasyon.