-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkasawi ng isang Pilipina sa Israel matapos itong tamaan ng missile attack sa lungsod ng Haifa, Israel noong Linggo, Abril 5.

Sa opisyal na pahayag, nagpahayag ng pakikiramay ang DFA sa pamilya ng nasawi at nakiisa sa kanilang pagdadalamhati sa gitna ng trahedya.

Samantala, kabilang rin sa mga nasawi ang Israeli national na asawa ng biktima, pati na ang kaniyang mga biyenan, ayon sa ulat.

Ayon sa kagawaran, agad nang nakipag-ugnayan ang Philippine Embassy sa Tel Aviv sa mga kaanak ng biktima sa Pilipinas upang ipabatid ang nangyari at tiyakin ang pagbibigay ng kinakailangang tulong. Kabilang dito ang pag-aasikaso sa repatriation ng mga labi ng nasawi, sa kabila ng umiiral na tensyon sa rehiyon.

Siniguro rin ng DFA na patuloy itong magbibigay ng suporta sa pamilya, kabilang ang pinansyal at iba pang uri ng assistance, habang nananawagan ng panalangin para sa kapayapaan at kaligtasan ng mga Pilipinong nasa Israel.