Magpapatupad ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng apat (4) na araw na workweek para sa mga empleyado ng city government bilang tugon sa tumataas na presyo ng gasolina at diesel, dulot ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Ayon kay Mayor Francisco “Isko” Domagoso, pinirmahan niya nitong Lunes ang Executive Order No. 8, series of 2026, na nagtatakda ng condensed workweek mula Lunes hanggang Huwebes.
Dahil dito ang oras ng trabaho ay magbabago simula ala-7 ng umaga hanggang ala-6 ng gabi para sa mga empleyado ng City Hall at alas-8 ng umaga hanggang ala-7 naman ng gabi para sa mga kawani ng Lungsod habang ang Biyernes at mga weekend ay magiging non-working days.
Sinabi rin ng Lungsod na magpapatuloy ang operasyon ng mga tanggapan na nagbibigay ng essential services upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo para sa mga Manileño.
Nabatid na ang hakbang ay kasunod ng pagtaas ng presyo ng langis dahil sa tensyon sa Middle East, matapos ang joint military operations ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran.
Noong nakaraang linggo, inanunsyo rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsasagawa ng pansamantalang apat na araw na workweek sa mga tanggapan ng executive branch simula ngayong Lunes, Marso 9, 2026.















