-- Advertisements --

Naniniwala si Senate President Sherwin Gatchalian na dapat ding mag-commute ang mga senador upang maranasan mismo ang tunay na sitwasyon ng mga gumagamit ng pampublikong transportasyon.

Sa pagtalakay sa panukalang 2027 budget ng Department of Transportation (DOTr), tinanong ni Gatchalian si Transportation Secretary Giovanni Lopez kung ipinagpapatuloy pa nito ang direktiba na mag-commute nang ilang beses kada linggo ang mga matataas na opisyal ng ahensya.

Ayon kay Lopez, hindi niya binabawi ang naturang kautusan at patuloy niya itong ginagawa, bagama’t hindi na niya ito ipinapakita o ibinibida sa publiko.

Inamin din ni Lopez na hindi niya na nakukumpirma kung ginagawa pa ito ng iba pang DOTr officials kaya nagpasalamat siya kay Gatchalian sa pagpapaalala.

Hinikayat naman ni Gatchalian si Lopez na ipagpatuloy ang pagko-commute dahil aniya, naging inspirasyon sa kanya ang ginagawa ng kalihim.

Giit ni Gatchalian, hindi kailangang i-Facebook Live o ipakita sa publiko ang pagko-commute dahil dapat itong maging bahagi ng aktuwal na karanasan at trabaho ng mga opisyal.

Aniya, dapat ding gawin ito ng mga senador upang makita at maranasan nila ang kalagayan ng mga ordinaryong commuter.

Binanggit din ni Gatchalian si Sen. JV Ejercito na madalas umanong nagbibisikleta papunta sa Senado bilang isa sa mga halimbawa ng mambabatas na nakararanas ng aktuwal na kondisyon sa kalsada.