Matapos ang ilang araw na pag-ulan at pagbahang naranasan, tuluyan nang nakauwi ang mga bakwit sa lungsod ng Maynila.
Ayon sa Manila Department of Social Welfare o MDSW, nakabalik na sa kani-kanilang mga tahanan ang mga ito ngayong Martes, ika-11 ng Agosto.
Ibinahagi ni Manila Social Welfare Officer Jay Dela Fuente na ang mga ‘evacuees’ ay umuwi na mula sa ‘evacuation centers’ simula pa kagabi at ang mga natira’y kaninang umaga ay nagsipag-uwian na rin.
Kanyang ibinahagi na nabigyan naman ang mga ito ng maiinit na pagkain, maging para sa tanghalian at hapunan.
Bagama’t masungit at pabagu-bago ang lagay ng panahon, tiniyak ni Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso na sapat at mayroon suplay ng gamot ang mga ospital at health centers sa lungsod.
Nanawagan ang alkalde sa higit-800 barangay at mga kapulisan sa Maynila na manatiling nakaalerto sa lagay ng panahon para agaran matugunan ang pangangailangan ng mamamayan.
















