-- Advertisements --

Nagtala ng mababang threat level ang Philippine National Police (PNP) sa Manila North Cemetery kasunod ng inspeksiyon sa seguridad nitong Biyernes, dalawang araw bago ang Undas. Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., mahigit 230,000 pulis ang nakatalaga sa buong bansa para tiyakin ang kaligtasan ng publiko.

Sa datos ng pulisya, nasa 12,400 katao na ang nasa loob ng 54-ektaryang sementeryo hanggang alas-6 ng gabi nitong Biyernes. Sinimulan naman ang pagsasara ng mga kalsada sa paligid nito noong hatinggabi ng Oktubre 30 at magtatagal hanggang alas-11:59 ng gabi sa Nobyembre 1.

Tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na mananatiling libre ang sakay sa mga e-trike sa loob ng sementeryo. Samantala, mabagal pa ang bentahan ng mga bulaklak ngunit inaasahan ng mga tindero na dadami ang mamimili sa mismong Undas.

Muling pinaalalahanan ang publiko na bawal magdala ng baril, matutulis na bagay at alak sa loob ng sementeryo. Ipinagbabawal din ang pagsusugal, overnight stay at paggamit ng malalakas na sound system.