Umabot sa mahigit 30,000 pasahero ang naitalang dumaan sa mga pantalan sa buong bansa ngayong umaga ng Sabado, Oktubre 31, 2026, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Batay sa datos ng PCG hanggang 7:45 ng umaga, umabot sa 18,717 ang outbound passengers habang 17,491 naman ang inbound passengers na bumiyahe para sa paggunita ng Undas.
Nakapagsagawa rin ang mga awtoridad ng inspeksyon sa 216 na barko at 72 motor bancas upang tiyakin ang kaligtasan ng mga naglalakbay sa karagatan.
Isinailalim ng PCG ang lahat ng kanilang yunit sa heightened alert at nag-deploy ng 6,146 na frontline personnel sa mga pangunahing pantalan sa buong bansa.
Nauna rito, nakapagtala ang kawanihan ng mahigit 160,000 pasahero sa mga pantalan noong Biyernes habang patuloy ang pagdagsa ng mga mamamayan patungo sa kani-kanilang mga lalawigan.
Inaasahan ng Philippine Ports Authority (PPA) na aabot sa 1.93 milyong pasahero ang bibiyahe sa dagat ngayong long weekend, mas mataas kumpara sa 1.90 milyon noong 2025.













