Dobleng pasanin sa mga mamimili ang paghina ng piso kasabay ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ayon sa ekonomistang si Emmanuel Leyco. Aniya, bagama’t mas maraming piso ang natatanggap ng mga pamilya ng OFWs sa bawat dolyar na ipinadadala, nababawasan din ang benepisyong ito dahil sa inflation.
Kabilang sa mga dahilan ng paghina ng piso ang mataas na demand sa dolyar at tensyon sa Middle East. Umabot naman sa 7.2 porsyento ang inflation noong Setyembre, na nagpapataas sa gastos sa mga imported na produkto, langis, kuryente at transportasyon.
Babala ni Leyco, maaari ring maapektuhan ang mga negosyong umaasa sa imported na hilaw na materyales, na posibleng magbawas ng empleyado o magsara. Iminungkahi niyang palawakin ang suspensyon ng excise tax sa langis upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo.
Binigyang-diin niya na inflation ang pangunahing dapat tugunan at kung magpapatuloy ang paghina ng piso, maaari pang tumaas ang presyo ng mga bilihin sa bansa.













