-- Advertisements --

Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pagiging handa nito sa pamamahagi ng gamot kontra mga sakit dulot ng pagbaha kasabay ng ilang araw na pag-ulan nararanasan. 

Inihayag mismo ni Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso na naghanda ang lungsod ng aabot sa 165-libong capsule ng gamot na magagamit bilang proteksyon kontra leptospirosis. 

Ayon sa alkalde, ‘available’ ang gamot sa mga health centers ng iba’t ibang distrito sa lungsod ng Maynila para sa sinuman mangangailangan. 

Paliwanag ni Mayor Isko Moreno na ang hakbang ito ay bunga ng mga karanasan sa nakaraan kaya’t minaiging naghanda ng libu-libot gamot bilang dagdag proteksyon lalo na sa mga lumusong sa baha. 

Kaugnay pa rito’y kinilala naman ng alkalde ang pagsunod sa direktibang lingguhan paglilinis o de-clogging drive, pangonglekta ng basura sa lungsod at mabilis na pagtugon sa paglikas. 

Naniniwala ang opisyal na ang mga ito’y nakatulong upang maibsan ang epekto ng ilang araw na halos walang tigil na mga pag-ulan dulot ng habagat.