-- Advertisements --

Plano ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na gumamit na ng AI-powered drones upang mas maagang matukoy ang mga lugar na posibleng bahain para makapagbigay ng babala sa mga residente.

Sa isinagawang inspeksyon sa drainage system sa España Boulevard, sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na kayang matukoy ng teknolohiyang ito kung saang lugar tatama ang matinding pagbaha hanggang dalawang oras bago ito mangyari.

Ayon pa sa alkalde, malaking tulong ito upang mabigyan ng sapat na oras ang mga residente para lumikas.

Kasama ni Moreno sa inspeksyon si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, na nagsabing matagal nang hindi naa-upgrade ang drainage system sa lugar.

Ayon kay Dizon, ang huling malaking rehabilitasyon ng drainage system sa España Boulevard ay isinagawa pa matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, habang ang mga sumunod na proyekto ay pawang maliliit na pagkukumpuni lamang.

Bilang bahagi ng pangmatagalang solusyon sa pagbaha, magtatayo rin ang DPWH ng isang detention basin sa Earnshaw Street. Layunin nitong ipunin ang sobrang tubig-ulan upang mabawasan ang pagbaha sa España at iba pang kalapit na lugar.

Una nang ikinonsiderang itayo ang detention basin sa ilalim ng University of Santo Tomas, ngunit hindi ito itinuloy dahil sa pangambang maapektuhan ang mga heritage structure ng unibersidad.