Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mananatiling bukas ang kanilang komunikasyon para sa publiko, partikular sa mga nangangailangan ng tulong na Overseas Filipino Workers (OFWs), kasabay ng pormal na pagsisimula ng kanilang adjusted work schedule ngayong araw.
Ito ay matapos ipatupad ng ahensya ang 4-day on-site work schedule para sa kanilang mga kawani mula Lunes hanggang Huwebes. Samantala, iiral naman ang Work From Home (WFH) o off-site remote work arrangement tuwing araw ng Biyernes.
Ang pagbabago sa iskedyul ng trabaho sa DFA ay direktang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan na magpatupad ng mga kaukulang hakbang upang makatipid sa konsumo ng enerhiya ng bansa.
Kabila ng pagkawala ng mga kawani sa opisina tuwing Biyernes, nilinaw ng kagawaran na patuloy na tatanggap ng tawag ang kanilang trunkline.
Pinapayuhan ang mga pamilya ng mga OFW at ang publiko na maaaring tumawag sa Office of the Undersecretary for Migrant Affairs sa numerong 8-834-4000 local 4031.
Bukod dito, maaari ring idaan ang mga katanungan at paghingi ng saklolo sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa kanilang opisyal na e-mail na ofhelpdesk.atn@dfa.gov.ph.
















