-- Advertisements --

Nagsasagawa ngayong araw ng Sabado, Enero 24 ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Teresa Magbanua ng radio communications sa mga barkong dumadaan sa may bisinidad ng baybayin 141 nautical miles kanluran-hilagang kanluran ng Tambobong, Pangasinan.

Ito ay bilang parte ng nagpapatuloy na search and rescue operations sa apat pang Pilipinong tripulante na nawawala mula sa 20 crew na sakay ng Singaporean-flagged cargo vessel na M/V Devon Bay, na napaulat na tumaob at lumubog nitong Biyernes, Enero 23 malapit sa Scarborough o Panatag Shoal.

Ipinaabot ng PCG radio operator sa lahat ng dumaraang barko sa lugar na mag-ingat, manatiling mapagmatiyag at magbigay ng tulong kung kinakailangan alinsunod sa international maritime regulations.

Pinayuhan din ang mga dumaraang barko na sakaling may impormasyon sa nawawalang mga tripulante agad itong i-report sa istasyon na Z Chef Channel one six.

Samantala, sa inilabas na update ng Chinese Embassy sa Maynila ngayong araw, sinabi nitong nagpapatuloy ang isinasagawang joint maritime rescue ng China at Philippine Coast Guards.

Ang mga barko ng China na Dongsha at Sanmen ay nakipagsanib-pwersa sa BRP Teresa Magbanua na dumating kagabi sa lugar kung saan nangyari ang insidente para magsagawa ng sector-by-sector search and rescue operation.

Iniulat din ng Chinese embassy na nananatiling unaccounted ang apat na Pilipinong tripulante.

Nauna nang kinumpirma ng Chinese Embassy na nasagip ng China Coast Guard ang 17 Pilipinong tripulante habang dalawa ang kumpirmadong binawian nang buhay dahil sa insidente.

Samantala, sa isang statement sa X, pinasalamatan ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela ang China Coast Guard sa kanilang mabilis at propesyunal na pagtugon sa isinasagawang search and rescue operations para maisalba ang mga distressed Filipino seafarer.

Aniya, ito ang wastong tungkulin ng coast guard, ang pagsalba ng buhay sa dagat at hindi ang mga aksiyon ng pananakot, panghaharass o pagharang sa mga barko at pagbabawal sa mga mangingisdang Pilipino mula sa kanilang paghahanapbuhay sa ating exclusive economic zone (EEZ).

Umaasa rin ang PCG official na ang makatao at responsableng mga aksiyon na ito ay maging pamantayan at igagalang at kikilalanin na rin kalaunan ng CCG na ang mga lugar kung saan nangyari ang mga insidenteng ito ay pasok sa EEZ ng Pilipinas.