Mariing tinutulan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pahayag ng Chinese Embassy sa Maynila na nagbabala na maaaring mauwi sa pagkawala ng milyun-milyong trabaho ang paglala ng diplomatic tension sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ayon sa DFA, pinahahalagahan nito ang kooperasyon sa larangan ng ekonomiya at kultura dahil may malinaw itong benepisyo sa bansa.
Gayunman, hindi aniya katanggap-tanggap ang tono ng embahada na tila nagpapahiwatig na maaaring gamitin ang naturang kooperasyon bilang pressure o pagganti, bagay na maaaring ituring na mapilit at maaaring makasira sa maayos na bilateral dialogue.
Ginawa ng DFA ang pahayag matapos sabihin ng tagapagsalita ng embahada na si Ji Lingpeng na ang panukala ng ilang senador ng Pilipinas na ideklarang persona non grata ang isang Chinese diplomat o pauwiin ang envoy ay political posturing at maaari umanong magdulot ng seryosong pinsala sa diplomatic at economic relations ng dalawang bansa.
Ang isyu ay kaugnay ng patuloy na tensyon sa usapin ng West Philippine Sea at ng Senate Resolution No. 256 na kumondena sa naunang pahayag ng Chinese Embassy laban sa mga opisyal ng Pilipinas na nagtatanggol sa soberaniya ng bansa.
















