Kinumpirma ng Department of Migrant Workers na pormal na nitong natanggap ang 15 Filipino seafarers na narescue mula sa lumubog na cargo vessel na M/V Devon Bay.
Ang naturang barko ay napaulat na lumubog malapit sa Scarborough Shoal sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon sa DMW, tinanggap nito ang mga survivors sakay ng BRP Teresa Magbanua sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard na nagbigay naman ng kinakailangang tulong at suporta sa mga ito.
Kabilang sa kanilang tinanggap sa pamamagitan ng DMW–Overseas Workers Welfare Administration team ang bangkay ng dalawang crew member na nasawi sa insidente.
Maaalalang sakay ng Singapore-flagged general cargo vessel M/V Devon Bay ang nasa 21 Filipino crew ng makaranas ito ng aberya habang patungo sa Yangjiang, China mula sa Gutalac, Zamboanga del Sur.
Nabatid na puno ang barko ng iron ore na dadalhin sana sa China.
Sa ngayon, apat na crew pa rin ng barko ang patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad sa West Philippine Sea.
















