-- Advertisements --

Inanunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW) na aabot sa 53 Pilipino na naging biktima ng human trafficking mula sa Cambodia ang nakauwi sa bansa nitong Biyernes, Marso 13.

Dumating ang mga biktima sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sakay ng Philippine Airlines flight PR 2622 mula Phnom Penh, bilang bahagi ng rescue at repatriation efforts ng mga awtoridad ng Pilipinas.

Ayon sa DMW, tinulungan ang mga biktima ng Philippine Embassy sa Cambodia at ng Rapid Response Team ng ahensya upang mapadali ang kanilang pag-uwi sa bansa.

Sinabi ng mga awtoridad na ang mga biktima ay umano’y na-recruit sa pamamagitan ng messaging application Telegram, at pinangakuan ng sahod na $600 hanggang $1,000 at valid working visas.
Gayunpaman, isa sa mga biktima ang nagkwento na sila ay nakaranas ng pang-aabuso pagdating sa Cambodia.

Ani ng biktima, pinilit silang gumawa ng 300 push-ups, pinagnilayan, at hindi binayaran matapos hindi makamit ang quota na 26 “love scam” clients kada araw.

Sinalubong ang mga nakauwi na Pilipino ng whole-of-government team mula sa Department of Migrant Workers, Overseas Workers Welfare Administration, Bureau of Immigration, NAIA Task Force Against Trafficking, Department of Health, at MIAA Medical Team, upang matiyak ang maayos na proseso at agarang tulong.

Dalawa sa mga biktima ang nangangailangan ng medikal na atensyon kung saan isa ay may kidney failure at ang isa ay may broken clavicle dulot ng umano’y aksidente, ayon sa DMW.

Binigyan sila ng gamot at ire-refer sa mga ospital ng DOH malapit sa kanilang tirahan para sa libreng gamutan.

Bukod dito, binigyan ng temporary accommodation, psychosocial counseling, reintegration assistance, at transportasyon papunta sa kani-kanilang mga probinsya ang mga biktima habang pinoproseso ang kanilang mga pahayag.