-- Advertisements --

Nakatakdang maiuwi sa Pilipinas ang nasa 200 overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Saudi Arabia sa mga susunod na linggo matapos ang mga pag-atake ng Houthi militants sa bansa.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), nakakuha na ng return tickets ang mga OFW na naapektuhan ng mga pag-atake at humiling na makauwi. Kabilang dito ang mga stranded matapos magsara ang King Khalid International Airport sa Riyadh noong Oktubre 10.

Sinabi ng Overseas Workers Welfare Administration na 149 OFW ang nakahanda nang maiuwi, habang may 50 pa na nakatakdang bumalik sa susunod na linggo. Nagbigay rin ang pamahalaan ng pagkain, pansamantalang matutuluyan, transportasyon, medical assistance at financial aid sa iba pang apektadong manggagawa.

Samantala, tatlong Pilipino ang iniulat na isinailalim sa intensive care matapos masugatan sa pag-atake sa paliparan. Ayon sa DMW, patuloy ang pagtulong sa mga OFW na nais umuwi sa gitna ng lumalalang tensiyon sa rehiyon.