-- Advertisements --

Upang hindi maparalisa ang produksyon ng asukal sa bansa, kumikilos na ang Department of Agriculture (DA) at Sugar Regulatory Administration (SRA) upang protektahan ang mga magsasaka laban sa nakaambang kakulangan at pagtaas ng presyo ng langis at abono bunsod ng patuloy na giyera sa Gitnang Silangan.

Pormal nang nakipag-ugnayan ang DA at SRA sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, partikular sa Department of Energy (DOE), upang siguruhin ang matatag na suplay ng petrolyo at fertilizer.

Ayon sa DA, kritikal ang panahong ito dahil nasa kasagsagan ang harvest cycle kung saan pinakamataas ang demand sa langis.

Ginagamit ito sa sabay-sabay na pag-ani, pagbiyahe ng mga tubo patungo sa mga sugar mills, at sa paghahanda ng mga lupang sakahan para sa susunod na crop cycle.

Kinumpirma ni SRA Administrator Pablo Luis Azcona na inilapit na nila kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang sitwasyon upang pormal na maipaabot sa DOE ang pangamba ng buong sugar industry.

May malaking epekto sa pandaigdigang merkado ang kaguluhan sa Gitnang Silangan, na siyang pangunahing nagdidikta ng presyo at suplay ng langis na direktang naka-angkla sa mga pangunahing farm inputs.

Tiniyak naman ni Laurel na nakahanda ang gobyerno na umalalay at hindi hahayaang maantala ang operasyon ng sektor.

Dagdag pa ng kalihim, hindi lamang ang mga prodyuser ng asukal ang kanilang poprotektahan, kundi maging ang pangkalahatang suplay ng langis at abono para sa lahat ng mga magsasaka at mangingisda sa buong bansa.