-- Advertisements --

Pinagpapaliwanag ni Senate Committee on Agriculture Chair, Sen. Kiko Pangilinan ang Department of Agriculture (DA) ukol sa mga maling coordinate sa mga panukalang Farm-to-Market Road (FMR) projects sa ilalim ng 2027 national budget.

Ang mga naturang proyekto, ayon kay Pangilinan, ay pare-parehong nakitaan ng kaduda-dudang mga lokasyon, na dapat liwanagin ng ahensiya.

Batay sa naunang ulat ng People’s Budget Coalition, maraming proyekto na nakapaloob sa inaprobahan ng House of Representatives na version, ang may mga maling coordinates at maling geotagging.

Kabilang dito ang isang FMR project na pinondohan ng P23 million at ang lokasyon ay sa Nueva Ecija ngunit ang coordinates ay matatagpuan sa Benham Rise.

Isa pang proyekto ang natunton ang coordinates malapit sa Brunei. Ang naturang proyekto ay pinondohan ng P55 million.

Ayon sa senador, kailangang malaman kung nagkamali lang sa pagsusulat at pagrehistro sa mga naturang coordinates, kung nagkaroon ng pagkukulang sa validation, o kung mayroong iregularidad sa mga naturang proyekto.

Nanindigan ang senador na bagaman mahirap, kailangang masinsinan ang pagsusuri sa lahat ng mga proyekto mula sa actual record, kontrata, plano, inspection report, at aktwal na lokasyon ng mga apektadong proyekto.

Inirekomenda rin ng senador na palakasin ang FMR Watch transparency portal, tiyaking tama at realtime ang mga datos, at gumamit ng mas eksaktong geotagging at land-surveying technology gaya ng Real-Time Kinematic (RTK) para maayos ang report ng DA.