Nanawagan si Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo sa Senado na isulong ang panukalang National Water Resources Management Act, sa gitna ng pangamba sa posibleng matinding El Niño na maaaring magdulot ng kakulangan sa suplay ng tubig.
Ayon kay Quimbo, mahalaga ang pagkakaroon ng pambansang balangkas para sa mas maayos na pamamahala ng water resources upang matugunan ang pangangailangan ng mga kabahayan, negosyo at pampublikong serbisyo, lalo na sa panahon ng matagal na tagtuyot.
Naipasa na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 6789 noong Disyembre 22, 2025, at naipadala na ito sa Senado. Layunin ng panukala na likhain ang Department of Water Resources at Water Regulatory Commission, na magkakaroon ng magkakahiwalay na mandato at kapangyarihan sa pamamahala at regulasyon ng tubig.
Binigyang-diin ni Quimbo na makatutulong ang panukala sa pagpapalakas ng koordinasyon ng mga ahensiya at sa pangmatagalang pagpaplano upang matiyak ang sapat at napapanatiling suplay ng tubig sa harap ng mga panganib na dulot ng climate change.















