-- Advertisements --

Dumating na sa Pilipinas ang unang batch ng mga Pilipino mula sa Iran na humiling ng repatriation dahil sa lumalalang tensyon sa Middle East, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkules.

Ayon sa DFA, sinalubong ng Office of the Undersecretary for Migration Affairs ang pagdating ng unang batch ng siyam (9) na overseas Filipinos na na-repatriate mula sa Iran noong Marso 10 at 11.

Sa siyam na ito, lima (5) ang mga menor de edad na may edad na dalawa hanggang 14 na taon, ayon sa hiwalay na pahayag ng Philippine Embassy sa Singapore.

Ani DFA, tatlong embahada ang nag-facilitate sa kanilang land crossing at flight pabalik sa Pilipinas sa gitna ng kasalukuyang security situation sa rehiyon.

Samantala, isang batch ng mga OFWs mula sa United Arab Emirates (UAE) ay na-repatriate rin at natulungan noong gabi ng Martes, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Ayon sa DMW, 20 OFWs mula sa UAE kasama ang siyam na dependents ang dinala pabalik. Dagdag pa rito, tatlo pang OFWs mula sa Muscat, Oman ang tinulungan ng Migrant Workers Office (MWO) Oman pagdating sa bansa.

Sa parehong gabi, tinulungan din ng DMW ang tatlong OFWs mula Dubai, UAE, at isang OFW mula sa Saudi Arabia na umuwi gamit ang kanilang sariling pera.

Nagsimula ang repatriation efforts matapos ang pag-atake ng US at Israel laban sa Iran, na sinundan ng missile retaliation ng Iran sa mga base militar ng Amerika sa Middle East.

Ayon sa DFA, may mahigit dalawang milyong Pilipino ang kasalukuyang nagtatrabaho o pansamantalang naninirahan sa rehiyon.