Hinimok ni Senador JV Ejercito ang pamahalaan na gamitin ang bahagi ng P250 bilyong pondo para sa mga flood control projects sa pagpapatupad ng malalaking imprastraktura laban sa pagbaha, partikular sa Central Luzon, habang inaantay ang mga reporma sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa pagdinig sa panukalang 2026 budget ng DPWH, sinabi ni Ejercito na bagaman inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-reallocate muna ang nasabing pondo sa mga social programstulad ng AICS, AKAP, at TUPAD, dapat pa ring tiyakin na matutuloy ang mga proyektong makatutugon sa lumalalang problema ng pagbaha.
Giit ng senador, hindi dapat hayaan na sa susunod na dalawa o tatlong taon ay patuloy na lumubog sa baha ang mga kababayan natin.
Aniya, ito na ang tamang panahon upang i-channel ang bahagi ng P250 bilyon sa mga big-ticket projects tulad ng floodways, dams, spillways, at water impounding facilities.
Samantala, kinumpirma ni Public Works Secretary Vince Dizon na kasalukuyang isinasagawa ang Detailed Engineering Design (DED) para sa Central Luzon Floodway Project, na pinopondohan ng Asian Development Bank (ADB).
Ayon kay Dizon, kapag natapos ang DED, magiging “shovel-ready” o handa nang simulan ang konstruksyon ng mga proyekto sa ilalim ng Central Luzon Floodway Master Plan.
Dagdag pa niya, nagkaroon ng ilang “anomalous” o hindi epektibong proyekto noon dahil hindi ito nakabatay sa isang maayos at komprehensibong master plan.
Nagpasalamat naman si Ejercito kay Dizon sa pagsuporta sa master plan para sa imprastraktura, na aniya ay makatutulong upang maiwasan ang mga paulit-ulit at maanomalyang proyekto sa hinaharap.