Pinabulaanan ng Department of Justice na may katotohanan ang pag-apruba nito sa paalam ni former Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan.
Ayon mismo kay Justice Secretary Fredderick A. Vida, hindi totoong pinayagan nila ang planong pag-alis ng dating kalihim palabas ng bansa.
Bagama’t may katotohanan na ito’y nagpaalam sa kagawaran, itinanggi naman ni Justice Sec. Vida na inaprubahan ang kanyang sulat.
Tangi lamang aniyang ginawa ng prosekusyon ay ni-note o tinanggap ang paalam ni Bonoan para sa plano niyang pag-alis.
Taliwas ito sa pahayag kamakailan ni former Sec. Bonoan na aprubado umano ng kagawaran ang kanyang pagpunta sa Amerika para sa medikal na pangangailangan ng asawa.
Paglilinaw naman ng Department of Justice na hindi saklaw ng kanilang mandato ang magbigay ng permiso o pigilan ang isang indibidwal na makalabas ng bansa sapagkat ito’y karapatan ng bawat isa.
Subalit dahil mayroon nang inisyung direktiba ang korte, hindi na maaring makaalis ng walang pahintulot si former Sec. Bonoan pati mga kapwa-respondents sa kinakaharap na reklamong plunder at iba pa.
Nag-labas kasi ng ‘precautionary hold departure order’ ang Manila Regional Trial Br. 52 laban kina Bonoan, Sen. Jinggoy Estrada, former Public Works Usec. Roberto Bernardo, Henry Alcantara at Gerard Opulencia.
Gayunpaman, ibinahagi ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez na may remedyo pang maaring gawin ang kabilang kampo o ‘respondents’ sakali man nais bumyahe palabas ng bansa.
Aniya’y pwede silang maghain ng mosyon sa korte para ma-lift ang inisyung ‘precautionary hold departure order’ at mapahintulutan makaalis ng Pilipinas.















