Naglabas ang Davao-based journalist na si Ben Jason Tesiorna ng digital copy ng kaniyang notarized affidavit of denial bilang pagtutol sa ginamit at iprinisentang CCTV footage ni ICC Prosecutor Julian Nicholls sa unang araw ng confirmation of charges hearing ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 23, 2026.
Sa affidavit na pinanumpaan ni Tesiorna ngayong Huwebes, Pebrero 26, kinumpirma niyang siya ang kumuha at nag-rekord ng parehong video noong Disyembre 19, 2013 sa isang media showcase ng newly-installed CCTV system ng Central 911 ng Davao City noong siya ay isang journalist-writer pa sa isang pahayagan sa Davao.
Nilinaw din ni Tesiorna sa kaniyang affidavit na hindi naka-record ang English Subtitles nang una niyang ni-record ang events, malinaw na isang hindi awtorisado at iligal na pag-tamper sa nasabing video ang inilagay na subtitles.
Ayon pa kay Tesiorna, hindi umano siya kinontak ng sinumang ICC investigator o ng Prosecutor na nagpresenta ng video sa ICC Pre-Trial Chamber I bago ito ipalabas, kayat itinatanggi niya ang anumang ugnayan sa “tampered at spliced video,” na nakasira aniya sa kaniyang reputasyon at naglagay sa kaniyang pamilya sa panganib, dahil lumalabas na nakipagtulungan siya sa prosekusyon, bagay na kaniyang itinatanggi.
Liban dito, pinapasama din umano sa ipinakitang video ng prosekusyon si dating Pangulong Rodrigo Duterte nang palabasing konektado ito sa extra-judicial killings (EJK) o crimes against humanity o walang ginawa ang dating Pangulo kaugnay sa pagpatay na pinapakita sa video.
“I vehemently assert that my video recording was not about EJK, nor about rimes against humanity nor about the killing shown in the video,’ giit ni Tesiorna.
Ipinapakita lamang umano sa video ang kapasidad ng bagong installed na CCTV sa Davao City at ang ipinapakitang umano’y pagpatay sa CCTV ay hindi “real-time” dahil walang nangyayaring patayan habang pinapanood nila ang CCTV, sa halip ito ay footage ng nakalipas na insidente ng pagpatay na kitang-kita sa CCTV, patunay na kayang makunan nito ang kahalintulad na krimen.
Subalit, lumalabas na binaliktad ng ICC Prosecutor ang katotohanan sa pamamagitan ng pagpapalabas na walang ginawang aksiyon ang dating pangulo para respondehan ang naturang krimen. Kaya umano itong patunayan ng pulis na walang nangyaring krimen ng pagpatay noong Disyembre 19, 2013 sa naturang lugar.
Handa naman si Tesiorno na magpakita ng ebidensiya kabilang ang kuhang hiwalay na news report kaugnay sa Agdao incident na nangyari noong Disyembre 4, 2013, na inimbestigahan na ng mga pulis bago pa man ito ipresenta sa media taliwas sa pahayag ni Prosecutor Nicholls, na walang ginawa si FPRRD para imbestigahan ang pagkamatay ng notorious criminals.
Kaugnay nito, hiniling ni Tesiorno sa ICC Pre-Trial Chamber I na atasan ang ICC Prosecutor na mag-isyu ng public apology bukas, Pebrero 27 o bago matapos ang Confirmation of Charges hearing para sa kaniyang misrepresentation at tanggalin ang parehong video mula sa court registry o records.












