-- Advertisements --

Personal na bumisita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Naga City upang inspeksyunin ang mga proyekto sa ilalim ng Oplan Kontra Baha, isang flood mitigation initiative ng pambansang pamahalaan.

Kasama niya sa pagbisita si Mayor Leni Robredo na dating Bise Presidente at dati ring nakatunggali ng pangulo sa nakaraang presidential race.

Naroon din si Public Works Secretary Vince Dizon.

Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Marcos na ang biyahe ay nakatuon sa serbisyo publiko at hindi politika, sa kabila ng mga espekulasyon ng posibleng alyansa sa darating na Eleksyon 2028.

Bagama’t iginiit niyang hindi politikal ang pagbisita, ipinakita ng Pangulo sa mga dumalo ang kaniyang pink na medyas, bilang “pagpupugay” umano kay Mayor Robredo, na gumamit ng kulay pink sa kanyang presidential campaign noong 2022.

Pinangunahan ng Pangulo ang inspeksyon sa mga waterways at drainage systems ng Naga, na bahagi ng multi-agency desilting at rehabilitation program para mapalakas ang flood control system ng lungsod.

“Serbisyo muna bago politika,” ani Marcos, at binigyang-diin na ang kanilang pagtutulungan ay nakatuon sa kapakanan ng mga residente ng Naga.

Tinawag ng Pangulo ang pink socks gesture bilang “pinaka-politikal na bagay” na ginawa niya sa araw na iyon, ngunit iginiit na ang kabuuang pagbisita ay “strictly work.”

Ang pagbisita ay naganap sa gitna ng mga usapin tungkol sa posibleng bagong alyansa sa pulitika, ngunit parehong iginiit nina Marcos at Robredo na ang kanilang pagtutulungan ay nakatuon sa public service at disaster preparedness.

Ang pagdalaw at pink socks gesture ay nakikita ng ilang observers bilang simbolismo ng respeto.