-- Advertisements --

Tiniyak ng Bureau of Immigration na kasalukuyang nasa Pilipinas pa rin ang mga inisyuhan kamakailan ng ‘precautionary hold departure order’ ng korte sa Maynila.

Sa naging pagtatanong ng Bombo Radyo kay Immigration Spokesperson Dana Sandoval, kanyang ibinahagi na nasa bansa pa rin sina Sen. Jinggoy Estrada, former Department of Public Works and Highways Sec. Manuel Bonoan, Roberto Bernardo, Henry Alcantara at Gerard Opulencia.

Ayon sa naturang tagapagsalita, batay sa kanilang pagbabantay o monitoring, nananatiling nasa loob ng bansa ang lahat ng mga ito.

Ito’y bunsod nang maglabas ng kautusan ang Manila Regional Trial Branch 52 upang atasan ang kawanihan huwag pahintulutan makalabas ng Pilipinas ang mga nabanggit.

Ang naturang mambabatas at ilan mga dating opisyal kasi ay mga respondents sa reklamong plunder may kinalaman sa maanomalyang proyekto na flood control.

Subalit paglilinaw naman ng Department of Justice na ang inilabas na Hold Departure Order ay hindi awtomatikong nangangahulugan tapos na ang pagdinig ng prosekusyon sa reklamo.

Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, kaya ‘precautionary order’ pa lamang ay dahil sa nakabinbin ang reklamo at hindi pa tuluyan pormal naisasampa bilang kaso.

Kung kaya’y nilinaw pa ng tagapagsalita na mas akmang tawagin ang mga nabanggit na opisyal bilang respondents at hindi mga akusado.

Alinsunod ang kautusan ng korte matapos matukoy na may ‘probable cause’ nagsasabing may posibilidad na tumakas ang mga respondents sa reklamo.