-- Advertisements --

Bumaba na ang bilang ng mga probinsiyang nasa ilalim ng cyclone track o posibleng maapektuhan at madaanan ng bagyong Ada, batay sa pagtaya ng Department of Interior and Local Government (DILG) – Central Office Disaster Information Coordinating Center (CODIX).

Mula sa dating 11 probinsiya na nasa ilalim ng Alert Level Bravo, tanging limang probinsiya na lamang ang nasa ilalim ng naturang alerto.

Ang mga naturang probinsiya ay pawang nasa ilalim ng 250 kilometer diameter ng bagong bagyo at inaasahang makakaranas ng hanggang 75 kph na lakas ng hangin, kasama ang banta ng heavy to intense rains.

Kinabibilangan ito ng mga probinsiya ng Albay, Camarines Sur, Catanduanes, Northern Samar, at Sorsogon

Sa kabilang banda, nadagdagan naman ng isang probinsiya ang mga nasa ilalim ng Alert Level Alpha o yellow category at ngayo’y mayroon nang siyam: kinabibilangan ito ng mga probinsiya ng Biliran, Camarines Norte, Cebu, Eastern Samar, Leyte, Marinduque, Masbate, Quezon, at Samar.

Makakaranas ang mga naturang probinsiya ng mabibigat na pag-ulan at hanging aabot sa 55 kph. Ang mga ito ay saklaw ng 580-km diameter ng bagyo.

Sa kabuuan, aabot na lamang sa 14 probinsiya ang nasa ilalim ng Critical Cyclone Track Chart, mas mababa kumpara sa dating 19 na probinsiya nitong nakalipas na araw.