Mariing pinabulaanan at tinuligsa ng mga lider ng Kamara de Representantes ang mga akusasyong ipinupukol ng mga indibidwal na nagpapakilalang mga dating miyembro ng Philippine Marines.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, “kaduda-duda” ang timing ng mga alegasyon.
Naniniwala si Chua na ang mga paratang na ito ay sadyang naglalayong guluhing lalo ang nalalapit na mga impeachment hearing laban kay Vice President Sara Duterte at siraan ang kredibilidad ng Quad Committee.
Matatandaang ang komite ni Chua at ang Quad Committee ay nagsagawa ng malawakang imbestigasyon kaugnay ng umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Mariin ding itinanggi ng iba pang mambabatas ang mga paratang.
Sa panig ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr , tinawag niya itong “kasinungalingan at malisyoso” ang akusasyong tumanggap siya ng mga maleta ng pera.
Giit niya, pinupuntirya siya dahil sa kanyang matibay na paninindigan laban sa extrajudicial killings (EJK) sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Binansagang “dilulu” o delusional naman ni Deputy Speaker Paolo Ortega ang mga nagpapakalat ng mga kuwentong wala umanong katotohanan at basehan.
Nilinaw naman ni Rep. Julienne Baronda na kailanman ay hindi nadawit ang kanyang pangalan sa anumang flood control scam at ang pagkaladkad sa kanya ay bahagi lamang ng “political circus.”
Sa ngayon, pinag-iisipan na rin ng pamunuan ng Kamara ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga nasa likod ng mga nasabing akusasyon upang mapangalagaan ang integridad ng institusyon.










