-- Advertisements --

Inihain ni House ways and means panel chair at Marikina City 2nd District Rep. Miro Quimbo ang House Bill 8257 na magbibigay kapangyarihan sa Pangulo na i-suspend o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa panahon ng pambansa o pandaigdigang krisis pang-ekonomiya.

Layunin ng panukala na amyendahan ang Section 148 ng 1997 National Internal Revenue Code at payagan ang Pangulo, sa rekomendasyon ng Finance Secretary, na ipatupad ang suspension kung ang presyo ng krudo ng Dubai ay umabot sa $80 kada bariles nang tuloy-tuloy sa tatlong buwan o kung may deklaradong national emergency o kalamidad na nagdulot ng labis na pagtaas ng presyo ng gasolina.

Maaaring maging buong suspensyon o bahagyang bawas ang ipapatupad na excise tax sa piling produkto ng petrolyo, epektibo sa loob ng anim na buwan at hindi lalampas sa isang taon, at awtomatikong maibabalik ang dating antas ng buwis pagkatapos ng suspensyon.

Ayon sa panukala, obligasyon ng Pangulo, sa pamamagitan ng Finance chief, na magsumite ng ulat sa Kongreso sa loob ng 15 araw mula sa suspension ng fuel excise tax at kada buwan pagkatapos, tungkol sa batayan ng suspensyon, tinatayang nawala sa kita ng gobyerno, at inaasahang epekto sa inflation, presyo ng gasolina, at ekonomiya.

Ang paghahain ng panukalang batas ay kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hihingi siya ng kapangyarihan sa Kongreso para bawasan ang excise tax sa petrolyo sakaling umabot sa $80 kada barilws ang krudo ng Dubai sa gitna ng tensiyon sa Gitnang Silangan.