Naglabas ng opisyal na pahayag ngayong Sabado, Mayo 9, ang Partido Demokratiko Pilipino (PDP) kaugnay sa lumabas na ulat tungkol sa umano’y warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ayon kay PDP Vice National Spokesperson Ferdinand Topacio, kung mapatutunayang totoo ang naturang warrant, ito umano ay isa na namang matinding pagyurak sa soberanya at kalayaan ng Pilipinas bilang isang malayang bansa.
Binatikos din ng partido ang administrasyong Marcos dahil umano sa patuloy na pakikipag-ugnayan nito sa ICC sa kabila ng pagkalas ng bansa sa Rome Statute.
Giit ng PDP, dapat umanong igiit ng pamahalaan ang sariling hurisdiksyon at huwag hayaang maapektuhan ang dignidad ng malayang bansa at huwag umakto bilang “neo-colonial lapdog” ng Western powers.
Dapat din aniya huwag hayaan maulit ang kaduwagan at katraydurang ginawa noon laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Marcos must remember that one mistake cannot be corrected by another one,” saad ng partido.
Binigyang-diin din ng PDP na si Dela Rosa ay inihalal ng milyun-milyong Pilipino at nararapat lamang na mapangalagaan ang kanyang mga karapatan at due process.
Tiniyak naman ng partido na gagamitin nito ang lahat ng legal na paraan upang ipagtanggol hindi lamang si Senador Dela Rosa kundi maging ang karapatan ng bawat Pilipino laban umano sa pang-aabuso at pamumulitika.
Nanawagan din ang PDP sa publiko na tutulan ang anumang hakbang na anila’y paglabag sa karapatan ng mamamayan, sa pamamagitan ng mga paraang naaayon sa batas.















