Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Linggo na tuluyan nang naapula ang malawakang sunog sa Navotas sanitary landfill na tumagal ng ilang linggo mula nang magsimula ito noong Abril 10.
Ayon sa Pangulo, kinilala niya ang tuloy-tuloy na pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor upang masugpo ang sunog at maprotektahan ang mga komunidad na apektado.
Kabilang sa mga nag-responde ang mga bumbero, lokal na pamahalaan, mga environmental team, Department of Public Works and Highways, Department of Transportation, at iba pang ahensya ng gobyerno.
Nagpasalamat din si PBBM sa tulong ng pribadong sektor tulad ng San Miguel Corporation, Prime Infra, at SM Prime na tumulong sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga residente sa paligid ng lugar.
Ayon pa sa Pangulo, malaking tulong din ang ibinigay ng pamahalaan ng Japan sa operasyon ng pag-apula ng sunog.
Bagama’t naapula na ang apoy, sinabi ng Pangulo na hindi pa rito nagtatapos ang trabaho ng gobyerno.
Inatasan niya ang mga ahensya na ipagpatuloy ang 24/7 monitoring sa lugar, kabilang ang air at water quality testing, thermal scanning upang matiyak na wala nang natitirang hotspots, at health monitoring para sa mga residente at responders.
Matatandaang ang landfill ay hindi na rin operational mula noong Agosto ng nakaraang taon matapos mag-expire ang prangkisa nito, bagama’t nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Navotas na hindi nila ito pag-aari.
Nagbunga ang sunog ng makapal na usok na umabot sa ilang bahagi ng Metro Manila at mga karatig lalawigan gaya ng Obando, Bulacan.
Samantala, iniulat ng Department of Environment and Natural Resources na nakikipag-ugnayan ito sa Office of the Solicitor General para sa posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga maaaring managot sa insidente.
Patuloy namang pinag-aaralan ng Department of the Interior and Local Government kung sino ang dapat papanagutin sa naturang insidente.
















