Sinusuportahan ng mayorya ng Senado ang aksiyon ni Acting Sergeant-at-Arms Mao Aplasca sa naganap na shooting incident noong Miyerkules, Mayo 13.
Nauna nang napaulat na si Aplasca ang naunang nagpaputok ng warning shot laban sa ahente ng NBI sa GSIS building, bagay na kinumpirma rin ng retired police official.
Ayon kay Sen. Jinggoy Estrada, “justifiable” ang naging hakbang ni Aplasca dahil sa banta ng pagpasok ng NBI sa kabila pa ng pagtitiyal na hindi aarestuhin si Sen. Bato Dela Rosa, habang nakasailalim noon sa protective custody ng Senado.
Ayon kay Sen. Estrada, nakakapagtaka ang presensya at pakay ng NBI sa lugar gayong kinumpirma mismo nina Senate President Alan Peter Cayetano at DILG Sec. Jonvic Remulla na walang direktiba para arestuhin si Sen. Dela Rosa.
Nilinaw ni Estrada na ang kaniyang naging pahayag na “itago ninyo ang CCTV” ay patungkol sa agarang pag-secure ng mga footage upang magsilbing ebidensiya sa mga isasagawang imbestigasyon.
Saad pa ng senador na dapat na mailabas ang CCTV camera footage para malaman ng publiko ang nangyari.
Samantala, ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa NBI at PNP na imbestigahan ang insidente. Gayundin, ipinag-utos na rin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon, kung saan kasalukuyang sinuspinde si Aplasca habang isinasagawa ang pagsisiyasat.
















