BUTUAN CITY – Isa ang naiulat na nasawi dahil sa epekto ng Bagyong Ada sa Agusan del Norte matapos matabunan ng gumuhong lupa ang isang binatang lalaki sa Sitio Pirada, Barangay Del Pilar sa Cabadbaran City.
Napag-alamang hindi isinailalim sa storm signal ang nasabing lalawigan, subalit naapektuhan ito ng tatlong araw na tuluy-tuloy na pag-ulan na naging sanhi ng paglambot ng lupa sa bulubunduking bahagi ng lugar at nagresulta sa pagguho nito.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Roselyn Exaure, tagapagsalita ng Cabadbaran City government, na itinaas na sa yellow level ang antas ng tubig sa kanilang lungsod bilang babala sa mga mamamayan na maghanda dahil sa patuloy na pagtaas ng baha, lalo na sa mga barangay na malapit sa ilog, nasa mabababang lugar, at yaong mga prone sa landslide.
Kanina ay sinuspinde na rin ang mga klase sa lahat ng antas upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig sa Cabadbaran River. Samantala, naka-preposition na ang lahat ng kaukulang ahensya upang magbigay ng tulong at magsagawa ng rescue operations para sa mga residenteng maaapektuhan.















