-- Advertisements --

Lumagda ng business agreements ang mga kumpanya mula sa Pilipinas at Republic of Korea (ROK) sa larangan ng shipbuilding, nuclear energy, aerospace, critical minerals, retail, at health and wellness.

Isinagawa ang paglagda sa Philippines–Korea Business Forum na dinaluhan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ROK President Lee Jae Myung sa Conrad Hotel sa Pasay City.

Ayon kay Marcos, patunay ang mga kasunduan ng matibay at lumalalim na ugnayang pang-ekonomiya ng dalawang bansa. Inaasahang magbubunga ito ng mas maraming proyekto, pamumuhunan, at kabuhayan.

Binigyang-diin din ng Pangulo na patuloy ang pagpapatupad ng pamahalaan ng mga repormang pang-ekonomiya upang palakasin ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan at mapadali ang pagnenegosyo.

Nagpasalamat din siya sa Philippine Chamber of Commerce and Industry at Federation of Korean Industries sa pagsusulong ng kooperasyon ng mga negosyante mula sa dalawang bansa.