Posibleng taasan pa ang P10-milyong pabuya para sa impormasyong magtuturo sa pag-aresto ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, na kasalukuyang may mga warrant of arrest kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Remulla, maaaring mangyari ang pagtaas ng patong sa ulo ni Ang at iginiit na ang kasalukuyang P10-milyong reward ng DILG ay ibibigay nang walang kondisyon sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na direktang magreresulta sa pagkakaaresto ni Ang.
Itinuturing ni Remulla si Ang bilang number one most wanted sa bansa, dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa pagpatay sa mahigit 100 nawawalang sabungero.
Samantala, inihayag ni Remulla na may paunang impormasyon na posibleng nasa Cambodia si Ang, partikular malapit sa border ng Cambodia at Thailand, base sa impormasyong ibinigay ng isang whistleblower.
Gayunman, sinabi ng kalihim na naniniwala pa rin ang mga awtoridad na maaaring nasa loob pa ng Pilipinas si Ang.
Dagdag pa ni Remulla, kung sakaling nasa ibang bansa na si Ang, posibleng gumamit ito ng backdoor na ruta sa paglabas ng bansa, matapos kumpirmahin ng Bureau of Immigration na hindi ito dumaan sa alinmang opisyal na paliparan o pantalan.
Sa ngayon, nagsagawa na ang mga awtoridad ng operasyon sa 14 na posibleng pinagtataguan ni Ang, kabilang ang Cavite at Pampanga, subalit hindi pa rin siya natatagpuan.
















