-- Advertisements --

Umakyat na sa 35 ang bilang ng mga nasawi sa pagguho ng bundok na basura sa Binaliw Landfill sa Cebu City matapos marekober ang tatlo pang bangkay noong Sabado.

Ayon kay Cebu City Councilor Dave Tumulak, dalawang bangkay ang narekober dakong alas-2:53 ng hapon, habang isa pa ang natagpuan bandang alas-3:10 ng hapon.

Hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng tatlong biktima.

Isa pa ang iniulat na nawawala, at nagpapatuloy pa rin ang search and retrieval operations sa lugar.

Naitala rin ang 18 sugatan mula sa insidente na agad dinala sa pagamutan.

Matatandaang naganap ang trahedya noong Enero 8, nang gumuho ang tinatayang nasa 20 palapag ng basura sa naturang landfill kung saan natabunan ang ilang manggagawa na nasa lugar.

Bilang tugon, idineklara ng Cebu City Council ang Enero 16 bilang araw ng pagluluksa para sa mga biktima at isinailalim ang lungsod sa state of calamity, na nagpapahintulot sa pagpapalabas ng P30 million quick response fund upang pondohan ang mga serbisyong may kaugnayan sa pagtatapon ng basura.

Sinabi ng Prime Integrated Waste Solutions Inc., operator ng Binaliw landfill, na batay sa paunang pagsusuri ng mga opisyal ng lungsod at mga eksperto, posibleng sanhi ng pagguho ang pinagsamang epekto ng magnitude 6.9 na lindol noong Setyembre 2025, mga aftershock nito, at ang matinding pag-ulan dulot ng Bagyong Tino.

Dagdag ng kumpanya, nagbigay na sila ng pinansyal na tulong at psychosocial support sa mga pamilya ng mga apektadong empleyado, sinagot narin daw nila ang gastusing medikal ng mga nasugatan, pati ang gastos sa burol at libing ng mga nasawi.