-- Advertisements --

Nagkaroon ng mainit na palitan ng mga pahayag sa House Committee on Justice sa ikalawang araw ng deliberasyon ng mga mambabatas sa ikatlong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ang ikatlong reklamo ay inendorso ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, na inilatag ang anim na naging batayan sa reklamo.

Sa kasagsagan ng deliberasyon, iniisa-isang hinimay ni Cagayan De Oro Congressman Rufus Rodriguez ang mga naging batayan ng ikatlong impeachment complaint.

Partikular na dito ang ikalawang batayan hinggil sa umano’y plunder, malversation, at graft may kinalaman sa P112.5 million sa confidential funds ng Department of Education.

Ipinunto ni Rodriguez na hindi maaaring ma-impeach ang Bise Presidente dahil sa alegasyon noong kalihim siya ng Department of Education.

Giit ni Rodriguez, walang hurisdiksiyon ang impeachment court sa duly appointed na kalihim ng DepEd

Kaugnay nito, inihayag ni Rodriguez na dapat madismiss ang ikalawa hanggang sa anim na grounds sa ikatlong reklamong impeachment dahil sa kawalan ng hurisdiksiyon ng komite.

Nagpahayag naman ng paglilinaw si Manila Rep. Benny Abante sa naging pahayag ni Rep. Rodriguez. Ipinunto ng mambabatas na layunin ng komite na dinggin ang inihaing impeachment complaints laban sa Bise President at hindi para i-impeach ang Pangalawang Pangulo.

Mariing tinutulan naman ni Rep Leila De Lima ang argumento ni Rep. Rodriguez na hindi saklaw ng hurisdiksiyon ng komite ang mga alegasyon kay VP Sara noong siya ay kalihim pa ng DepEd.