-- Advertisements --

Iginiit nina Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, kasama ang House prosecutors, na ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay hindi lamang tungkol sa pananagutan sa mga alegasyong paglabag, kundi pati sa pagtutol sa umano’y kultura ng karahasan at impunity.

Sinabi ni De Lima na ang mga umano’y grave threats ni VP Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez ay bahagi ng mas malawak at marahas na pananalita na hindi dapat maging katanggap-tanggap.

Samantala, sinabi rin ni Rep. Diokno na naging normal sa kamalayan ng publiko ang karahasan sa panahon ng war on drugs ng administrasyong Duterte.

Aniya, dapat ding pag-aralan kung may kaugnayan ang normalisasyon ng marahas na pananalita ng mga opisyal sa pagdami ng karahasan sa iba pang bahagi ng lipunan, kabilang ang mga paaralan.

Patuloy namang dinidinig ng Senate impeachment court ang Article IV ng Articles of Impeachment, kung saan inihaharap ng prosekusyon ang mga ebidensya at testigo kaugnay ng alegasyong grave threats at betrayal of public trust laban sa Bise Presidente.