-- Advertisements --

CEBU CITY – Patuloy na tumataas ang bilang ng mga nasawi sa Binaliw Landfill sa Cebu, na umabot na sa 11 katao ngayong Enero 13, habang nagpapatuloy ang search and rescue operations sa ikalimang araw.

Sa pinakahuling tala, may 11 patay, 12 sugatan, at 25 indibidwal ang nananatiling nawawala kaugnay ng insidente. Patuloy ang masinsinang paghahanap at pagsagip ng mga awtoridad sa kabila ng mapanganib na kondisyon sa lugar.

Sa isang eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu kay FCSUPT. Fred Trajeras Jr., Regional Director ng Bureau of Fire Protection Region 7, kinumpirma niyang tuloy-tuloy pa rin ang kanilang operasyon upang matunton ang mga nawawalang biktima.

Ayon kay Trajeras, may mga bangkay na silang natukoy sa gitna ng operasyon, subalit hindi pa ito opisyal na naidadagdag sa listahan ng mga nasawi dahil hindi pa ligtas at posible ang agarang retrieval bunsod ng delikadong kalagayan sa ilang bahagi ng landfill.

Sa kasalukuyan, may 64 na standby rescuers mula sa BFP na naka-deploy sa Binaliw Landfill, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Layunin ng kanilang ikalimang araw ng operasyon na matagpuan at marekober pa ang natitirang mga nawawala.

Mariin ding iginiit ni Trajeras na hindi aalis ang kanilang mga tauhan hangga’t hindi natatapos ang operasyon, at patuloy nilang ginagawa ang lahat ng makakaya upang maging matagumpay ang search and rescue mission.

Dagdag pa niya, batay sa mga ulat ng mga team leader at supervisor sa lugar, may ilan pang bangkay ang namataan ngunit hindi agad maabot dahil sa mataas na panganib. Dahil dito, hinihintay muna ang pagkumpleto ng clearing operations gamit ang mabibigat na kagamitan upang masigurong ligtas ang pagkuha sa mga ito.