DOHA, QATAR — Nabulabog ang mga bansa sa Middle East kasunod ng inilunsad na joint attack ng Amerika at Israel sa Iran.
Ayon kay Bombo International News Correspondent (BINC) sa Qatar na si Joseph Timothy Rivera, nananatiling mapayapa ang sitwasyon sa Qatar bagamat naramdaman din nila ang mga pagsabog ng nasa 12 missiles na na-intercept sa airspace ng Doha, na kaniyang personal na nasaksihan habang namimili sa grocery.
“Habang tayo po ay bumibili ng ating supplies, noong una kalmado pa ang mga tao, bumibili kami ng water and then after nun noong nagkasabugan na nagmabilis na ang mga tao at nakita po natin ang pag-intercept ng missile just above me while I was buying provisions,” paglalarawan pa ni BINC Joseph.
Habang nasa kasagsagan din ng live report si BINC Joseph, narinig ang panibagong malakas na pagsabog.
Sa kalagitnaan naman ng mga pag-atake sa pagitan ng US-Israel at Iran, inilarawan ni BINC Joseph na marami ang mahimbing na natutulog sa mga oras na iyon dahil kasalukuyang nasa holy month ng Ramadan ang naturang Muslim country.
Agad naman aniyang nagpadala ng emergency alert ang Embahada ng Pilipinas at gobyerno ng Qatar kaugnay sa mga insidente ng pagsabog.
Ipinadala ang emergency alert sa pamamagitan ng SMS kung saan inabisuhan ang mga Pilipino na magtungo sa ligtas na shelter, manatili sa bahay, maging alerto at sumangguni lamang para sa opisyal na impormasyon mula sa awtorisadong news channel.
Mahigpit din aniyang ipinagbabawal ang pagpapakalat ng fake news sa Qatar dahil ito ay itinuturing na isang krimen.
Base din sa report ni BINC Joseph, inanunsiyo na rin ng gobyerno ng Qatar ang pagsasara ng Doha airspace gayundin suspendido na ang flights papasok at palabas ng Hamad International Airport.
Subalit sa ngayon, wala pa aniyang opisyal na anunsiyo mula sa Ministry of Higher Education sa Qatar kaugnay sa suspensiyon ng klase at nakadepende na sa discretion ng mga magulang kung papayagan nilang pumasok ang kanilang mga anak, base sa inilabas na official statement mula sa Philippine School Doha.
Sa pakikipag-ugnayan naman ni BINC Joseph sa mga Filipino community sa Qatar, nakapagtala na rin aniya ng pagdagsa at mahabang pila sa mga grocery para mamili ng kanilang provisions o kinakailangang supplies.
“Just like the Islamic Republic of Iran, marami pong provisions dito sa Qatar. Actually there’s no need for panic buying, dapat lang po ay gawing calm but since there’s an order from the government for all residence to stay in place then we have to follow the rules,” ipinunto pa ni BINC Joseph.
Sa Qatar, ayon kay BINC Joseph, walang designated bomb shelters hindi katulad sa Israel at Kuwait subalit matitibay naman aniya ang mga imprastruktura roon. Bagamat karaniwan aniya sa mga Pilipino ay naninirahan sa regular houses at apartment kayat ramdam ang mga pagsabog.
Sa kasagsagan din ng palitan ng pag-atake, tumama ang retaliatory missile ng Iran sa naval base ng US sa Bahrain. Ayon kay BINC Joseph, inatake ng Iran ang Bahrain dahil nandito ang US Navy 5th fleet, ang pinakamalaking naval fleet ng Amerika.
Habang nasa Qatar naman aniya ang Al Udeid Air Base, ang pinakamalaking military facility ng US Central Command sa Middle East.
Base sa pagtaya ni BINC Joseph, ang lokasyon ng US air base ay tinatayang 27 kilometro lamang ang distansiya mula sa kaniyang kinaroroonan sa Doha, Qatar kayat tiyak aniyang mararamdaman nila ang pagsabog sakaling maglunsad ng projectile ang Iran sa naturang US air base.
Bunsod nito, maikokonsiderang hotspot area ang mga lugar malapit sa US air base sa Doha.
Kaugnay nito, naglabas na ng advisory ang Qatari government na huwag pulutin ang mga bumagsak na debris ng projectile. Nauna na ring ibinabala ng Qatari government sa publiko na huwag lumapit sa military installations.
“As of this time, I believe only the Sultanate of Oman that host a US military bases (as) well has not been hit. The rest has been attacked,” base sa ulat mula kay BINC Joseph.
Samantala, napaghandaan naman ng husto ng gobyerno ng Qatar ang planadong pag-atake ng US at Israel sa Iran. Ayon kay BINC Joseph, kung ikukumpara noong nakalipas na taon mas maraming pinakawalang missiles noon ang Iran patungo sa US Air Base sa Qatar subalit na-intercept naman ito ng air defense system ng bansa.
Gayundin, kinumpirma ni BINC Joseph na na-intercept ang lahat ng missiles na pinapakawalan ngayon ng Iran patungo sa Qatar.
Sa kabila naman aniya ng tensiyon, sila’y kampanteng protektado ng Qatari Armed Forces at nakasisigurong 100 porsyento na kaya silang protektahan ng bansang Qatar.
“We would like to commend and thank the Qatari government for keeping us all, its residents and citizens safe,” saad ni BINC Joseph.
Sa kalagayan naman ng mga Pilipino sa Qatar sa gitna ng nangyayaring tensiyon sa rehiyon, iniulat ni BINC Joseph na mayroon silang group chat (GC) kung saan sila nagpapalitan ng mga impormasyon bagamat hindi na niya idinetalye pa dahil inabisuhana silang magbahagi lamang ng opisyal at beripikadong impormasyon.
Sa ngayon, walang isinasagawang massive evacuation o malawakang paglikas sa mga Pilipino sa Qatar bagamat kinansela na ang pasok sa mga opisina.
Nilinaw din ni BINC Joseph ang kumakalat na video na nagpapakita ng mga insidente ng pagsabog na hindi ito nangyari sa Qatar dahil na-intercept ang missiles sa mid-air pa lamang.
















