Makikipagtulungan ang Kamara de Representantes sa korte at sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang matiyak ang kaligtasan ng testigong si Ramil Madriaga, ang itinuturing na “bagman” ni Vice President Sara Duterte, sakaling ipatawag ito sa impeachment proceedings.
Ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, kailangang ayusin ang koordinasyon dahil si Madriaga ay kasalukuyang nakadetine sa isang pasilidad ng BJMP sa Taguig City para sa isang hiwalay na kasong kriminal.
Binigyang-diin ni Ridon na ang affidavit ni Madriaga ang pinakamahalagang bagong ebidensya sa reklamo, kung saan idinedetalye ang umano’y paggalaw ng confidential at intelligence funds ng OVP at DepEd sa ilalim ng pamumuno ni Duterte.
Sa inihaing impeachment complaint, isiniwalat ni Madriaga ang mga transaksyon at mga taong sangkot umano sa paglalabas ng pondo na may kaalaman ng Bise Presidente.
Nilinaw naman ni Ridon na hindi pa maaaring ipatawag si Madriaga hangga’t hindi nadedesisyunan ng House Committee on Justice kung ang reklamo ay sapat sa anyo (sufficiency in form) at sapat sa nilalaman (sufficiency in substance).
Kapag nalampasan ang mga naturang antas, bibigyan muna ng pagkakataon si VP Sara na sumagot bago magsimula ang pormal na pagdinig kung saan maaaring i-examine ang mga alegasyon ni Madriaga.










