-- Advertisements --

Pumalo na sa 27 ang bilang ng mga nasawi sa pagguho ng Binaliw landfill sa Cebu City, matapos mahukay ang isa pang bangkay nitong Biyernes ng umaga.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Cebu City, siyam (9) na katao pa ang patuloy na nawawala habang nagpapatuloy ang search and rescue operations sa kabila ng malalakas na pag-ulan sa lungsod.

Nangako naman ang mga awtoridad na hindi sila titigil hangga’t hindi natatagpuan ang lahat ng biktima.

Samantala, bumisita naman sa landfill site si Cebu Archbishop Albert Uy upang damayan ang mga naulilang pamilya ng mga biktima.

Una nang nangako ang Department of Environment and Natural Resources na magbibigay sila ng tulong para sa mga naulilang pamilya.

Matatandaan na naganap ang trahedya noong Enero 8 nang gumuho ang tinatayang nasa 20-palapag na taas ng bundok ng basura sa Binaliw Landfill, isang pribadong pasilidad na humahawak ng basura ng halos isang milyong residente ng Cebu City.