Tiniyak ng National Security Council (NSC), Department of National Defense (DND), at Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang beripikadong direktang banta sa teritoryo ng Pilipinas at sa mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site sa kabila ng tumitinding labanan sa Middle East.
Ayon kay NSC spokesperson Cornelio Valencia, walang base militar ng Amerika sa bansa at ang mga EDCA site ay pag-aari at kontrolado ng AFP.
Aniya, nananatiling nakapokus lamang sa Middle East ang sigalot at walang natutukoy na banta sa mga pasilidad militar ng Pilipinas.
Iginiit ng DND na hindi target ang mga EDCA site, kasunod ng panawagan ni Senador Erwin Tulfo na repasuhin ang kasunduan. Sinabi ng ahensya na ang Pilipinas ay hindi kalahok sa nasabing labanan at ang mga pasilidad ay hindi ginagamit para sa offensive operations, alinsunod sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Dagdag ng AFP, ang presensya ng US sa ilalim ng EDCA ay rotational at para lamang sa joint training, logistics, at humanitarian assistance at disaster response.
Nanawagan ang mga ahensya sa publiko na manatiling kalmado at sumangguni lamang sa beripikadong impormasyon.
















