-- Advertisements --

Nanawagan ng agarang subsidiya ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) matapos ang panibagong taas-presyo sa produktong petrolyo na iniuugnay sa umiinit na sigalot sa Middle East.

Ayon sa KMP, nagpatupad ang mga oil firm ng dagdag kada litro ng gasolina, diesel, at kerosene. Ito na ang ika-10 pagtaas sa diesel at kerosene at ikawalo sa gasolina ngayong taon.

Iniulat din na lumampas sa $80 per barrel ang global crude prices at maaaring umabot sa $100 kung lalala ang sigalot at maantala ang daloy ng langis sa Strait of Hormuz, kung saan dumadaan ang malaking bahagi ng suplay ng langis sa mundo.

Ayon kay Danilo Ramos, chairperson ng KMP, bawat piso ng dagdag sa diesel ay bawas sa maliit nang kita ng mga magsasaka at maaaring magtulak sa kanila sa mas malalim na pagkakautang. Apektado rin aniya ang mga manggagawa, mangingisda, sektor ng transportasyon, at mga konsyumer.

Dahil dito, iginiit ng grupo ang agarang pagpapatupad ng fuel subsidies at suporta sa farm inputs tulad ng fertilizer at pesticides upang maibsan ang tumataas na gastos sa produksyon. (report by Bombo Jai)