-- Advertisements --

Humiling ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Korte Suprema na pansamantalang buksan ang Inayawan Landfill sa Cebu City upang gawing waste transfer station.

Ang hakbang ay kasunod ng mga problema sa pagtatapon ng basura ng Cebu City, lalo na matapos ang pagsara ng Binaliw landfill dahil sa pag-guho na ikinasawi ng 36 katao.

Ayon kay DENR Secretary Raphael Lotilla, ang panukala ay mahalaga upang malutas ang krisis sa pagtatapon ng basura sa Cebu City.

Nabatid na kasalukuyang ipinapadala ang basura ng lungsod sa Barangay Polog sa Consolacion sa ilalim ng pansamantalang kasunduan sa Asian Energy Corporation.

Ngunit tinutulan ito ng mga kalapit na lokal na pamahalaan, tulad ng Talisay City at Minglanilla, na hindi sang-ayon sa pagtanggap ng basura mula Cebu City kahit pansamantala lamang.

Magugunita na ang Inayawan landfill ay isinara noong 2016 batay sa Writ of Kalikasan mula sa Court of Appeals na inaprubahan ng Korte Suprema.

Ayon sa DENR, ang kanilang petisyon ay hindi para sa permanenteng pagbabalik ng landfill, kundi para gawing pansamantalang transfer station upang mapamahalaan ang basura at mapanatili ang kalusugan ng publiko.