-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Patuloy pa ang imbestigasyon ng Surigao City Police Station upang makuha ang kabuuang detalye ng naganap na landslide sa isang illegal mining area sa Sitio Piriko, Purok Tagbunuan, Barangay Mabini, Surigao City sa lalawigan ng Surigao del Norte, na kumitil ng buhay ng dalawang minero habang isa pa ang nasugatan.

Kinilala ni PLCol. Mariano Lukban, hepe ng Surigao City Police Station, ang mga nasawi na sina Gernando Paymalan Sr., 56-anyos, barangay tanod, at ang tricycle driver na si Charlito Tañania samantala, nakaligtas naman si Vic Manuel Dela Torre, parehong residente ng kalapit na barangan ng Anomar.

Batay sa paunang imbestigasyon, gumawa umano ng tunnel sa ilalim ng bulubunduking bahagi ng lugar ang mga residente, na gumuho dahil sa ilang araw na tuloy-tuloy na pag-ulan kung kaya’t natabunan ng gumuhong lupa na may halong mga bato ang mga biktima.

Inalam na rin nila kung may nagpi-finance ba sa nasabing minahan upang kanilang mapanagot dahil sa insidente.