BUTUAN CITY – Dalawang small-scale miners ang kumpirmadong patay habang isa ang na-ospital matapos matabunan ng gumuhong lupa ang minahan na kanilang pinasukan sa Sitio Piriko, Purok 4, Barangay Anomar, Surigao City, kahapon ng hapon.
Ayon kay Surigao City Disaster Risk Reduction and Management Office chief Threlcie Villaces, nakatanggap sila ng tawag bandang alas-3:29 ng hapon kahapon ukol sa insidente kaya agad silang rumesponde kasama ang iba pang rescue units mula sa Surigao City Police Office, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, at Philippine Army.
Doon ay narekober ang mga nasawi na kinilalang sina Gernando Paymalan Sr. at Charlito Tañania, habang nailigtas naman si Vic Manuel Dela Torre at dinala sa ospital.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na open pit mining ang pinasukan ng mga biktima at dahil sa ilang araw na pag-ulan, gumuho ang gilid ng bundok kung saan ito matatagpuan na siyang naging sanhi ng mga casualties.
















