Binatikos ni Atty. Aquino Sajili na kabilang sa mga survivors ng lumubog na MV Trisha Kerstin 3 ang umano’y kabagalan ng Philippine Coast Guard sa pagresponde .
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Atty. Sajili, naibahagi nito na bago tuluyang lumubog ang barko ay nakatawag pa ito sa kanyang kakilalang Board Member ng Basilan kaya’t inasahan na nito ang mabilis na pagdating ng rescue.
Aniya, bagama’t may kalakasan ang current ng tubig, masasabi nito na totally calm ang karagatan taliwas sa unang sinabi ng PCG na medyo maalon kaya lubog ang barko.
Lumakas na aniya ang alon bandang alas 4:30 na ng umaga kasabay ng pagdating ng ikatlong rescue boat .
Mahigit tatlong oras aniya silang palutang-lutang sa karagatan matapos ang tuluyang pag-lubog ng barko.
Ipinunto nito na kung totoong malakas ang alon , walang makaliligtas kahit isang pasahero o sakay ng MV Trisha Kerstin 3.
Aminado ito na kahit magaling kang manlalangoy ay wala kang laban sa malakas na alon ng karagatan.
Inilarawan naman ni AV1- Atty. Aquino Sajili bilang isang traumatic moment ang nangyari sa kanya maging sa kanyang kliyente na nasawi sa insidente .
Kawawa rin aniya ang mga pasaherong mga bata at mga matatanda dahil sa kabagalan ng rescuer sa kabila ng katotohanan na malapit lamang ang kanilang barko sa Basilan.
Ipinanawagan rin ng abogado sa Kongreso na magsagawa ng pagdinig hinggil sa insidente.
Naniniwala ang abogado na mayroong cover-up o milagro na pinagsasabi ang pamunuan ng Philippine Coast Guard.
Kami po sa Bombo Radyo at taos-pusong nagpapaabot ng pakikiramay sa pamilya na namatayan dahil sa paglubog ng MV Trisha Kerstin 3.
Ipinapanalangin rin po natin na mahanap ang mga indibidwal na hanggang sa ngayon ay nawawala pa rin.
Bukas naman ang Bombo Radyo Philippines sa paliwanag ng PCG sa usaping ito.
















