Nanawagan ang IBON Foundation na magpatupad ang pamahalaan ng wealth tax at bawasan ang ilang lokal na proyekto upang maprotektahan ang mga Pilipino sa epekto ng tumitinding oil price shock bunsod ng digmaan sa pagitan ng United States, Israel, at Iran.
Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay IBON Foundation Executive Director Sonny Africa, sinabi niyang makakatulong ang pagtanggal ng VAT at excise tax sa langis upang mapagaan ang gastos ng mga mamamayan at mapalakas ang paggastos ng mga konsyumer.
Gayunman, binigyang-diin ni Africa na kailangan ng mas malinaw na sistema ang pamahalaan upang matulungan hindi lamang ang mahihirap kundi pati ang middle class na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ipinaliwanag din niya na ang wealth tax na isa hanggang tatlong porsiyento sa yaman na lampas sa P1 hanggang P3 bilyon ay maaaring makalikom ng humigit-kumulang P500 hanggang P600 bilyon sa loob ng isang taon.
Dagdag pa niya, maaari ring bawasan o ilipat ang bahagi ng pondo mula sa ilang infrastructure projects ng gobyerno patungo sa mga serbisyong panlipunan upang mas maibsan ang epekto ng krisis sa mga Pilipino.
Sa kasalukuyan, ayon sa Department of Energy, umabot na sa halos P69–P90 kada litro ang presyo ng unleaded gasoline sa Metro Manila matapos ang ikalawang sunod na bigtime oil price hike ngayong Marso 17, 2026, habang lagpas P100 kada litro naman ang diesel. Ito ang pinakamataas na antas sa kasaysayan ng bansa, dahilan upang mas lalong maramdaman ng mga mamamayan ang bigat ng krisis sa enerhiya.
















