Ipinagpaliban ng House of Representatives ang pag-apruba sa P19.49 bilyong proposed budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa 2027 dahil nais ng mga mambabatas na magkaroon ang ahensya ng mas malinaw na plano laban sa mga panganib online.
Ayon kay Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin, kulang umano ang kapangyarihan ng DICT upang epektibong harapin ang social media platforms sa mga isyung tulad ng online sexual abuse, child sexual abuse materials, illegal gambling, cyberbullying, social media addiction at iba pang panganib sa mga kabataan.
Sinabi ni Garin na kailangang ipakita ng DICT kung paano nito haharapin ang mga problemang ito at kung paano ito makikipagtulungan sa ibang ahensya ng gobyerno at mga social media company.
Nakikipag-ugnayan na ang DICT sa Meta, ang parent company ng Facebook, para sa mga hakbang tulad ng age verification at mas mabilis na pagtugon sa harmful content, online threats, child exploitation at cybercrime.
Gayunman, nais munang makita ng mga mambabatas kung magiging epektibo ang mga hakbang ng DICT at kung magkakaroon ng mas malinaw na pananagutan ang social media platforms.
Sinabi ni Garin na ang usapin ay hindi lamang tungkol sa budget kundi pati sa kaligtasan ng mga kabataan.













